RATIONAL INSANITY
A talk on creative writing -- Part I
Last Wednesday I gave a talk on creative writing at Hipona National High School, Pontevedra Capiz for students and teachers from all the schools under the Department of Education, Division of Capiz. I am publishing the speech here for the teachers and students who requested for a copy; because of the length of the talk, we will be having it in two parts, the second part will come out next week.
PAGTALAKAY SA MALIKHAING PAGSUSULAT
Ang malikhaing pagsusulat ay hindi isang aralin na basta-basta na lang naituturo sa mga mag-aaral. Ayon sa batikang si Dr. Leo Deriada na nagwagi na ng labinlimang pagkakataon sa taunang Palanca Awards, hindi naituturo ang pagsusulat. Kung ito ang ating gawing basehan, masasabi kong maari lang na ibahagi sa mga nais matuto ang mga 'basic' at kaalamang teknikal sa pagsusulat. Ang talento na kinakailangan upang maging isang magaling na manunulat ay hindi natututunan. Kung si Prof. Cirilo Bautista naman ang tatanungin, isang lingguhang kolumnista sa Panorama, at isa ring batikang manunulat, lahat daw ay may kakayahang sumulat, ngunit, mangilan-ilan lang ang may kakayahang sumulat ng magaling. Mula sa mga panayam ko sa iba pang mga premyadong mga manunulat masasabi kong isang sining ang Malikhaing Pagsusulat, at dahil sa ito'y isang sining may mga elemento itong dapat bigyang pansin at alamin.
Ang malikhaing pagsusulat ay may maraming uri. Ang ilan sa mga ito ay ang panunula o tula, ang sanaysay, at ang maiklilng kuwento. Malaki ang kaibahan ng simpleng pagsusulat sa malikhaing pagsusulat. Kung ating babalikan ang sinabi ni Prof. Bautista na lahat ay nakakasulat, maaari nating sabihin rin na lahat ng taong may pinag-aralan ay may kakayahang teknikal sa pagsusulat. Ngunit, hindi lang ang kakayahang ito ang kinakailangan upang tayo'y mabilang sa hanay ng mga malikhaing manunulat. Kung nais nating makasulat ng isang tula o kuwento kakailanganin natin ang isang makulay na imahinasyon; kinakailanga'y nasa sa atin ang kakayahang makita ang mundo mula sa isang perpspektibong taliwas sa nakaugalian. Kung sa wikang ingles ang tawag sa kakayahang ito ay 'creative eye' o 'poetic vision'. Ang isang malikhaing manunulat ay may mga bagay na nakikita sa ating paligid na hindi nakikita ng ating pisikal na mga mata. Ang ginagamit ng isang malikhaing manunulat upang matingnan ang mundo sa kakaibang pananaw na ito ay ang kanya puso; kung kaya't sa mga munting gamu-gamu ay nakikita ang buong siklo ng buhay at kamatayan sa tula ni Anthony Tan na 'Ways of Dying'; ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng ibang interpretasyon ang payak na pag-nanais ng lupain ng isang saydwok vendor sa kuwento ni Dr. Leo Deriada na, 'Duta para sa Iskolar sang Banwa'; sa ganitong paraan naihahambing ang nasirang pagmamahalan sa isang baog na kuko sa tula ni Marcel Milliam na 'Manikyur'. Ang mga ito'y halimbawa lamang ng pag-gamit ng nabanggit kong 'creative eye' o 'poetic vision' na isang mahalagang pangangailangan ng lahat na mga malikhaing manunulat. Para sa iilan sa atin ay ankin na ang pananaw na ito at hindi na kailangang sanayin, ngunit, sa nakararami ay kailangan pang matutunan ang ganitong paraan ng pananaw upang matagumpay na maisasalin sa tinatawag na wikang malikhain o creative language ang mga ideya, guni-guni, damdamin, at kuro-kuro. Hindi madali ang pagsasanay ng pananaw. Tulad ng nasabi kanina, ang teknikal na kaalaman ay mabilis na naituturo, ngunit ang malikhaing bahagi ng sining ng pagsusulat ay naisasapuso lamang sa palagiang pag-basa ng panitikan, pag-subok na makasulat ng mga ibat-ibang uri ng panitikan tulad ng mga kuwento, mga tula, at sanaysay, at pagkakaroon ng mga dalubhasang kritikong maaring maghubog sa sining ng malikhaing pagsusulat sa ating mga sarili.
Hindi madali ang buhay manunulat, maliban sa mahirap na nga ang sining na ito dahilan sa maramihang mga 'demands' at alituntuning kailangan sundin, hindi rin gaanong nakakaakit ang sining na ito sa pinansyal na bahagi. Dahil dito kaunti lang sa mga kabataang sumubok sa sining na ito ang nagpapatuloy sa kanilang pagsusulat. Ngunit, para sa iilang mga kabataang taos puso ang paniniwala sa sining ng malikhaing pagsusulat may nakaraang magagandang mga pagkakataong maibahagi sa lahat ang nilalaman ng puso't isipan. Ito ang pinakamahalagang papel ng malikhaing pagsusulat -- ang bigyan ang isang manunulat ng paraang maipahiwatig sa nakararami ang saloobin at maipadama ang sariling mga damdamin sa pamamagitan ng makulay at magandang pagkaayos ng mga salita.
(To be continued)