Rational Insanity
A talk on creative writing - Part II
This is the second and remaining part of the talk on creative writing from last week's issue.
PAGTALAKAY SA MALIKHAING PAGSUSULAT
Maliban sa nabanggit na, ang malikhaing pagsusulat ay nagsisilbi ring taga-alaga ng ating kultura at kasaysayan. Ang ating mga tradisyon ay matatanaw at mauunawaan sa mga kuwentong gumagamit ng tinatawag na 'cultural platform'. Sa hanay naman ng mga manunula, nagagamit ang mga tradisyunal na porma ng pagbabalaybay katulad ng paktakon, komposo, binalaybay, loa, at iba pang mga tradisyunal na istilo ng pagsusulat. Ang mahalaga lamang sa tinatawag na 'cultural platform' ay ang pag-pasok sa mga kontemporaryong ideya sa pagsusulat ng mga piyesa habang ginagamit ang mga tradisyunal na istilo. Halimbawa nito ay ang pag-gawa ng isang paktakon tungkol sa ATM Machine o kompyuter o ang pagsulat ng isang Loa tungkol sa kaguluhan sa Mindanao. Dito pumapasok ang tinatawag sa aming mga manunulat na SHE o 'significant human experience'. Sa lahat ng mga kasulatang malikhain, kinakailangan na magkaroon ang mga ito ng SHE upang maabot ang nais nitong obhektibong magalaw at mabago ang damdamin ng mga mambabasa. Mas magandang bumasa ng isang tulang tungkol sa asawang naghahapunan ng mag-isa dahil ang kanyang 'bana' ay pumaibayong dagat upang magtrabaho kesa sa isang tulang tungkol lang sa lumalabas na ulo ng isang pagong. Ito ang halaga ng tinatawag nating SHE.
Hindi biro ang Malikhaing Pagsusulat, lalo na kung papasukin pa natin ang talakayan ng teknikalidad kung saan matututunan natin ang tungkol sa porma at kalamnan – dalawang elemento ng bawat kasulatang malikhain, mapa kuwento man o tula. Ang porma sa isang piyesa ng panulat malikhain ay siyang pinakaugat ng teknikalidad; dito ay pinapansin ang lahat mula sa pagkitil ng mga linya, o ang tinatawag na 'line cutting' hanggang sa paglagay ng mga tuldok, kudlit, at kung ano-ano pa man. Ang porma ng isang piyesa ay siyang basihan ng biswal na pananaw ng mambabasa, katulad ng mga kulay at hatak ng brutsa sa pagpipinta. Ang kalamnan naman ay kung sa Ingles, tinatawag na 'substance'. Dito pinapansin ang mga ginagamit na mga pangatwan ng wika. Dito mapapansin ang henyo ng isang manunulat sa pag-gamit ng mga ibat-ibang kasangkapang pampanitikan upang yumaman ang kanyang gawa.
Maraming dapat pinagtutuunan ng pansin kung pinapangarap nating maging malikhaing manunulat, ngunit, balikan natin ang halimbawang ibinigay ni Prof. Bautista sa isa sa kanyang mga kolum – sabi niya, dapat ang isang manunulat ay hindi nagiging bihag sa mga pamantasang teknikal, dapat ay palaguin ang misteryo ng pagsusulat sapagkat kung ang isang manunulat ay buuang nagiging pansinin sa mga teknikal na mga elemento ay tuluyang mawawala ang kanyang kagustuhang makasulat. Ang halimbawang ibinigay niya rito ay ang sikat na manunulat na si Geminio Abad; sabi niya, nung natutunan na ni Prof. Abad ang lahat na dapat malaman sa malikhaing pagsusulat ay hindi na siya nakasulat ng kahit isa man lang tula.
Hindi ko kayo tinatakot sa mga sinasabi ko, ang akin lang ay ang matutunan ninyo ang kagandahan at ang kapangitan ng sining na inyong pinapasok. Ikakatuwa ko kung sa loob ng silid na ito ay may lalagong isang napakagaling na manunulat, at mas ikaliligaya ko kung may dalawa. Kung lahat kayo dito ay taos pusong naniniwala sa kapangyarihan ng pagsulat at ng isang manunulat, iyan ay ikagagalak ko rin, ngunit hindi sapat ang paniniwala upang mapalago natin ang malikhaing pagsususlat dito sa ating probinsya, ang kinakailangan natin ay mga taong handang magsakripisyo para sa sining, handang magbahagi ng kaalaman, handang ipaglaban ang yamang nariyan sa ating kasaysayan at kultura, at handang gamitin ang bolpen, lapis, at papel upang ipahayag ang kagandahang noon pa may bahagi na n gating pagiging mga Pilipino.
Sa pagtatapos, nais ko lang na tayong lahat, mag-aaral, guro, mga administrador, mga kaibigan at mga panauhin, ay lumabas na may panibagong pag-unawa hindi lang sa malikhaing pagsusulat, kundi sa sining na rin ng pagsulat. Magsimula tayong puminta ng mga magagandang larawan gamit ang mga kataga, magsimula tayong ipadama ang ating saloobin sa pamamagitan ng mga tulat, kuwento, sanaysay, at kung ano pang mga piyesang meron tayo, magsimula tayong maging mga manunulat, hindi lang sa gawain, kundi pati na rin, at mas mahalagang, sa puso at isipan. Manunulat ka, hindi dahil sa kataga, kundi dahil sa tibok ng iyong puso.