Gaano ba kalaki?
(The author intentionally writes this article in Filipino in celebration of the Buwan ng Wika—Ed.)
Maraming pangyayari ang nagaganap sa ating bayan dahil lamang sa lupa. Ang hangad na makapagmay-ari ng lupa ay madalas umaabot sa gulo at hidwaan. Mga magkaibigan o magkapitbahay ay nag aaway ng dahil lang sa lumampas sa mohon ang bakod ng isa at nabawasan ng kapiraso ang laki ng lupa. Mayroon namang magkamag anak mismo na nagpapatayan dahil sa inangkin ng isang angkan and dapat paghahatian na lupain ng kanilang lolo at lola.
May mga marurunong at makapangyarihan lalo na sa pamahalaan at may mayaman na nagma "money" obra ng mga pirapirasong lupa para mailipat sa kanilang pangalan. Ang pag-aari ng lupa ay sadyang hindi talaga pinghirapan. Ito ang halimbawa ng matakaw na magnanakaw ng lupa. Marami ang nangyari at kasulukuyang nangyayari nito hindi lamang dito sa Aklan lalo na sa Boracay kundi sa iba ibang dako ng mundo. Isa na namang gulo and nagaganap sa North Cotabato at karatig probinsya nito kung saan ang mga MILF ay lumusob sa mga bayan ng Pigkawayan at Pikit. Ito ay dahil sa matagal nang hidwaan na nagmula sa lupa.
Maraming tao ang talagang hindi kuntento sa kapirasong lupa. Mayaman ang may lupa dahil sa paniwala na ang kayamanan ay nasa lupa. Dahil dito gusto pa rin nila and dagdag na ektarya- ektaryang lupa. Ang problema kung minsan ay sayang lang dahil hindi naman natataniman ng magsasaka. Ayaw ipabungkal ang lupa dahil naghihintay sa tamang panahon o di kaya ipalipat and classification from agricultural to commercial, industrial o residential. Biglang yaman ang may ari nito.
Kailangan ba talaga ang malapad na lupa? ang sobra-sobrang yaman? Makapangyarihan ba ang yaman? Kailangan ba talaga ang kapangyarihan? Gaano ba kalaki ang kailangan na yaman, lupain o kapangyarihan?
Noong unang panahon, sa bansang Rusya may isang taong hangad ang magkaroon ng malapad na lupain. Isang araw, may nagyaya sa kanya na kung talagang gusto niya, magiging kanya ang lahat na kaya niyang lakarin. Kailangan lamang na makabalik siya at makumpleto ang ikot sa malawak na lupa na gusto niya bago lumubog ang araw.
Kinabukasan, maaga pa siyang masayang lumakad. Malayo ang nilakad niya at mahaba ang ikot hangga't hindi niya namalayan na malapit na lumubog ang araw. Dapat makabalik siya sa mismong pinagmulan at makumpleto ang ikot bago lumubog ang araw. Dahil sa sobrang layo, tumakbo siya nang mabilis. Buong lakas siyang tumakbo para makabalik. Sa layo ng tinakbo niya, bigla siyang nanghina at . . bumagsak sa lupa! Tuluyan siyang namatay.
Nang ilibing na siya, nagging palaisipan ng lahat na pagkatapos ng pagsusumikap niya upang makapagmay-ari ng lupain, isang pirasong lupa lang pala ang kailangan niya (4'x7') at hindi ektarya ektaryang lupa.
Hangad mo rin bang magkalupa at maging mayaman? Gaano kalaki ang iyong hinahangad? Gaano kalaki ang iyong kailangan?