Res Gestae
PNP Chief speaks of freedom
(Note: This writer yields this space for the message of Police Director General Jesus A Versoza, the PNP top cop, on the celebration of Philippines’ 111th Independence Day.)
Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang ating ika-isangdaan at labing-isang (111th) araw ng kasarinlan. Malugod kong binabati ang mga opisyal at mga bumubuo ng pambansang pulisya [at lahat ng mamayang Pilipino].
Mahigit isang daang taon na ang nakalipas nang ipaglaban at itaguyod ng ating mga bayani ang ating karapatan bilang mga Pilipino. Buong puso nilang ibinuwis ang kanilang buhay para makamtam ang ating kalayaan. Magpa-hanggang ngayon tinatamasa pa rin natin ang bunga ng kanilang pakikipaglaban.
Sa araw na ito, marapat lamang na muli nating gunitain ang kanilang kagitingan. Ang tema sa taong ito, “Kagitingan, Kagalingan, Kasipagan Tungo sa Tunay na Kalayaan” ay sumasalamin sa ating patuloy na adhikain na makamtam ang tunay na kahulugan ng kalayaan.
Sa paglipas ng panahon, ang mga bayani ay nagkaroon ng iba’t ibang mukha na kumakatawan sa bawa’t Pilipino. Nagkaroon ng mga makabagong bayani na sa kanilang sariling paraan, itinataguyod ang pagmamahal sa bayan at pilit na binabago ang mga nakasanayan upang makamtam ang pag-unlad ng bansa.
Bilang mga alagad ng batas, nabigyan tayo ng oportunidad na patuloy na pangalagaan ang ating kalayaang tinatamasa.
Ang mga pulis ay maaring maituring na mga modernong katipunero na handang ibuwis ang buhay para sa ikabubuti ng nakararami.
Napatunayan sa iba’t-ibang pagkakataon ang kabayanihan ng ating mga alagad ng batas; patuloy at walang sawang ginagampanan ang tungkulin upang makamit ang hangarin na mapuksa ang kriminalidad at mapanatili ang kaayusan.
Ang tatlong “K” sa ating tema – Kagitingan, Kagalingan at Kasipagan ay nararapat lamang na ipamalas ng bawat isa sa atin. Huwag tayong makalimot sa mga alaala ng nakaraan at mga aral na dinulot nito.
Ang pagkakaisa ng bawa’t Pilipino ay ang ating susi upang mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok na dumarating.
Ang tunay na kalayaan ay hindi imposible. Ang pagbabagong nais nating makamit ay magsisimula sa ating mga sarili. Patuloy nating ipagmalaki ang ating pinagmulan at ang pagmamahal sa bayan nawa ay mangibabaw sa ating mga isipan.
Sa inyong lahat, maligayang araw ng kasarinlan.
Mabuhay ang Pilipinas at mabuhay ang PNP!