POLIBIZ
Panunumpa sa katungkulan
(This column appears in Filipino in honor of Commonwealth Pres. Manuel L. Quezon, known as the “Father of the Philippine National Language”, whose birthday falls on this day, August 19.)
Kahit saang panig ng bansa, lahat na kawani ng gobyerno mula sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan ay inaatasang bigkasin ang “Panunumpa ng Kawani ng Gobyerno” bilang gabay sa kanilang sinumpaang katungkulan.
Sa haba ng panahon ng kanilang paglilingkod, ang sinumpaang ito’y paulit-ulit nang namumutawi sa kanilang bibig tuwing Lunes ng umaga sa pagpupugay sa ating watawat.
Mayroong pikit-matang binibigkas ang panunumpang ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso.
Marahil higit na mas maraming mga kawani ang hirap sa pagbigkas dahil sa iba’t-ibang dahilan. Ang iba nama’y talagang wala sa kanilang puso ang panunumpang ito.
Ano kaya’t kung ang panunumpang ito’y kabaligtaran sa tunay na kahulugan? Hindi kaya ito’y matagal ng nangyayari at ang mga kinauukulan ay mistulang bulag, pipi at bingi sa katotohang ito’y umiiral mula pa sa panahong ikaw, ako, ay hindi pa naging bahagi ng pamahalaang ito?
Labis nating pinupulaan ang kasalukuyang pamahalaang ito sa pamumuno ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Kurakot!!! ang sigaw ng karamihan. Mandarambong!!! ang tugon naman ng iba.
Kahit sa lokal na pamahalaan, ang kagalang galang na gobernador Niel D. Tupas, Sr. ay hindi rin ligtas sa mapanuring mata ng kanyang mga kalaban sa politika. Bawat galaw na kanyang ginagawang kabutihan para sa ika-uunlad ng buong probinsya ng Iloilo ay laging may alinlangan at malisyang katapat.
Labis nang naghihirap at apektado ang mga mamamayan sa probinsya dahil sa walang humpay na pagbabatikos at paghaharang sa halos lahat na proyekto na kaniyang gustong ipagawa.
Para sa kanila, walang kabutihang ginagawa ang gobernador. Ang mawalan ng tiwala ang mamamayan sa kaniyang liderato ay ang kanilang pinagdadarasal at inaasam-asam. Tila ayaw nilang makitang umaangat ang popularidad ng gobernador dahil sa kaniyang kasipagan at pagpupunyagi sa ikauunlad ng probinsya.
Ganito ka garapal ang mga kritiko at kalaban ng gobernador sa politika. Wala silang awa. Wala silang sinasanto.
Kahit sa kaniyang sariling “tahanan” siya’y napapalibutan ng mga linta, buwaya, buwitre, ahas at pating. Ang iba’y mistulang mga anay at walang kabusugang nginangat-ngat ang pundasyong nagsisilbing haligi ng kapitolyo.
Araw-araw nating silang nakakasalamuha, mula Lunes hanggang Biyernes, mula umaga hanggang hapon.
Mga Kawani ng Gobyerno ang tawag sa kanila. At ito ang tunay na kahulugan ng kanilang panunumpa:
“Ako’y kawani ng Gobyerno. Tungkulin ko ang magnakaw ng tapat at mahusay. Dahil dito, ako’y papasok ng maaga at magtratrabaho nang lampas sa takdang oras kung kinakailangan; Magsisilbi akong maging tuso at mabilis sa lahat ng nangangailangan; pangangalagaan ko ang mga gamit, kasangkapan at iba pang pag-aari ng pamahalaan; magiging mapanuri at makapili ang pakikitungo ko sa mga lumalapit sa aming tanggapan;
Hindi ako magsasalita laban sa katiwalian at pagsasamantala; ano ako hilo ? Bagkus gagamitin ko ang aking panunungkulan sa sarili kong kapakanan; Hihingi ako at tatanggap ng suhol; Sisikapin kong madagdagan ang aking talino at kakayahan upang ang antas ng pangungurakot sa kaban ng bayan ay patuloy na maitaas.
Sapagkat ako’y kawani ng Gobyerno at tungkulin ko ang magnakaw ng tapat at mahusay sa bayan ko. At sa panahong ito, ako at ang aking mga kapwa kawani, ay kailangang tungo sa isang bulok, salat at magulong Pilipinas. Sa harap ninyong lahat taos-puso ko kayong sinusumpa!”
(Email: roblesnelson@yahoo.com)