YOUNG VOICE
Para kay Inay at Itay
Matagal kong pinag-isipan kung itutuloy ko ang pagsulat ng aking column sa Filipino. Aking natanto na marahil pagsisisihan ko lang isang malabong ambisyon. Natatakot ako na sa di kalaunan baka bumangon si Francisco Baltazar sa kanyang libingan at pagsasampalin niya ako hangang sa ako’y matauhan. Ngunit nangibabaw ang pagbabakasakali ko na maiihahayag ko ng mas malinaw at yung tipong mas may dating kapag ang aking isinulat ay nasa Filipino. Ako’y humihingi na po ng paumanhin sa lahat ng mga makakabasa. Pagbigyan niyo na po ako.
Noong isang araw, noong nakakalimang oras na akong online sa Facebook dahil nalulong na sa mahiwagang gayuma ng Sorority Life at School Kids, aking namalayan ang isang video link na inilathala ng kaibigan kong si Hope. Parang isang vacuum cleaner na humigop ng atensyon ang titulo nitong Sulat ni Nanay at Tatay. At dahil naka broadband na kami, ilang segundo lamang ay nasa YouTube na ako. Lumipas ang walong minuto at ang ambisyosang Filipino writer ay nalulunod na sa kanyang luha at nabibingi sa kanyang hagulhol.
Ang video na iyon ay hango sa liham na ginawa ni Fr. Ariel F. Robles, CWL Spiritual Director ng St. Augustine Parish sa Baliuag, Bulacan. Narito ang nilalaman ng liham, medyo mahaba pero isusugal ko ang Ipod at MP5 ko hindi ka magsisi kung babasahin mo:
Sa aming pagtanda, unawain at pagpasensyahan mo sana kami, anak. . .
Kung makatapon kami ng sabaw sa hapag kainan
O kaya makabasag ng pinggan
‘Wag mo naman sana kaming kagagalitan
Dala lang yun ng kalabuan ng mata at ng namamanhid naming mga daliri. . .
Pinagalitan ka man sa mga baso’t pinggang iyong nabasag noon bata ka pa,
Iyon ay dahil ayaw naming masugatan ka.
Kung ang mga sinasabi mo’y ‘di maintindihan at madinig
‘Wag mo naman sana kaming sabihan ng “Bingi!”
Humihina na talaga ang aming pandinig
Pakiulit lang nang malakas-lakas na ‘di naman kailangang sigawan
Upang tayo ay magkaunawaan.
Kung mabagal na kaming maglakad at ‘di na makasabay sa mabilis mong paglakad
Pakiantay sana at alalayan—mahihina na ang aming mga tuhod
Alalay na tulad sana nung musmuos ka pa at nag-aaral ka pa lang maglakad
Tuwang tuwa ka naming pinagmamasdan.
Kung minsang makulit at paulit ulit ang aming sinabi na parang sirang plaka,
‘Wag mo sana kaming pagtawanan o kainisan
Ganyan ka rin kakulit noong bata ka pa at nag-iiyak pa—
Kapag nagpapabili ng kung anu ano’y di kami tinitigilan
Hangggang ang gusto mo’y di naibibigay.
Kung kinatatamaran namin na maligo at nag-aamoy lupa na
‘Wag mo naman sanang pandirihan at piliting maligo. . .
Mahina na kasi ang aming katawan pag nalalamigan.
Natatandaan mo ba noong bata ka pa at kahit anung dungis mo
Ay masayang-masaya ka naming hinahalikan
At mat’yagang hinahabol sa ilalim ng kama upang paliguan?
Kung palagi kaming masungit at nagsisisigaw
Dala na siguro ito ng pagkabagot sa bahay
At pagkadismaya na wala nang magawa at wala nang silbi.
Ipadama mo naman sana na may halaga pa rin kami sa mundo mo
Katulad ng pagpapadama namin noon ng pagpapahalaga
At pagtutuwid sa kamalian at katigasan ng iyong ulo.
Kung may konti ka mang panahon mag kwentuhan naman sana tayo. . .
Alam kong abala ka sa hanapbuhay pero sabik na kaming makausap ka.
Gusto kong malaman mo na interesado pa rin kami sa mga kwento mo
Tulad n’ung pagbibida mo sa eskwela noong bata ka pa.
Na kahit pautal utal pa ang salita mo,
Nakikinig kaming masaya tungkol sa iyong mga laruan.
Kung kami man ay maihi o madumi sa higaaan dahil hindi na makabangon
‘Wag mo sanang pagagalitan o pandididrihan.
Katulad ng walang reklamo naming paggising nang kahit anong pagod sa gabi
Upang linisin at palitan ang iyong lampin para maginghawa kang makatulog
Hindi na baling kami ang mapuyat.
Kung kami’y maratay sa banig ng karamdaman
‘Wag mo sanan kaming pagsawaang alagaan
Gaya ng mat’yaga naming pag-aalaga noong musmos ka pa.
Bawat daing mo noon ay hirap na dinadala sa aming kalooban
Pagt’yagaan mo naman sana kaming alagaan sa aming mga huling sandali
Kami naman ay di na rin magtatagal.
AT kapag dumating na ang takdang panahon ng aming pagharap sa Dakilang Lumikha.
Ibubulong at hihilingin ko sa Kanya.
Na pagpalain ka dahil naging mapagmahal at maalaga kang anak sa iyong ama’t ina.
Ewan ko na lang sa’yo kung di ka pa naluha, pusong bato ka na yata. Ito’y parang isang kagat ng langgam na kumirot sa aking puso, inantig ang aking damdamin sa puntong ginawan ko ng sagot, ng reply letter sina Nanay at Tatay. Ihanda ang tissue paper.
Mahal kong Nanay at Tatay,
Hindi na siguro matimbang ang sakit na dinanas ninyo para ako’y mapalaki ng tama
At mas nagiging masakit pa kapag ako’y sumusuway at nag-aastang hindi ko na kayo kailangan
Sabi ng mga dalubhasa, ganoon daw talaga
kapag nagdadalaga at nagbibinata o nagsisimula nang magkapamilya
Naghahanap ng kalayaan, kumakalas dahil gustong mapag-isa
Alam ko na kayo’y nag-aalala, natatakot na baka dumating ang araw
Tuluyang mawawala ang aking pagmamahal sa inyo
Na kapag maputi na ang buhok ninyo, pustiso na lang at nirayuma
Balewala nalang ang lahat
Nanay at Tatay, noong nabasa ko ang inyong sulat
Iba na po ngayon.
Hindi na magiging dahilan ang pagka-teenager
Hindi na magiging dahilan ang pagiging busy sa trabaho
Huwag po kayong mag-alala kung matatapon ninyo ang sabaw
Susubuan ko kayo.
Mas marami pa kayang akong natapon na Gerber at Cerelac noon.
Huwag po kayong mag-alala kung hihina na ang inyong pagdinig
Lalakasan ko ang boses ko, pero di ako sisigaw.
Kung makakayanan ng aking bulsa, sagot ko na ang hearing-aide ninyo
Huwag kayong mag-alala kung inaatake kayo ng rayuma at bumabagal ang paglakad
Ako’y maghihintay.
Ako’y tutungo sa botika at bibili ng Naproxen.
Huwag kayong mag-alala kung magiging makakalimutin at mahina na kayo
Ako’y magpapasensya.
Gaya noong pagpapasenya niyo dati.
Nay, alam ko na finale noon ng Mara Clara at nakikilig ka kay Juday at Wowie, pero sinamahan mo pa rin ako na manood ng Cinderella kahit na ikatatlong ulit ko na itong makita.
Tay, alam ko na makasaysayang laro iyon ng Chicago Bulls pero sinamahan mo pa rin ako sa paglalaro ng Lego.
Noong pinili ko dati ang mga kaibigan ko
Noong pinili ko na i-impress sila sa halip na kayo’y mapasaya
Pagpasensyahan niyo na po.
Nalimutan ko kasi Nay, na umalis ka sa iyong trabaho para mapalaki ako ng husto.
Nalimutan ko kasi Tay na pinagliban mong bumili ng bagong sapatos para sa pinabibili kong manyika.
Ako din po ay may ibubulong mamaya sa Dakilang Lumikha
Na ako’y nagpapasalamat ‘
Na ako’y humihingi ng tawad
At ako’y nag-aasa ng isang pagkakataon
Na kayo ay tunay kong maalagaan.
Sana naman ay sa puntong into nagagamit mo na ang tissue paper na hawak mo o kahit man lang ay natubigan din ang inyong mga mata. At kung kayo man ay hindi naantig sa kadahilanan na kayo’y may pusong bato o gaya ko ay mahina talaga sa Filipino, ipagpapaalam ko lang po na wala akong I-pod at MP5, kaya wala kayong makukuha sa akin.
Mahalin po natin lahat ang ating mga Ama’t Ina.
(Kuro-kuro at Filipino lessons sa reylangarcia@yahoo.com)